Letter To No One

Namimiss kita…

Yun bang pag gising ko sa umaga, alam ko naman na di ka nag text kasi tulog ka pa nun, pero uunahan na kita ng bati ng good morning. Alam kong nakarating ka na sa opisina pag isa isa ko na natatanggap yung mga sagot mo sa mga pinadala kong email na hindi mo na nabasa noong nakaraang araw dahil nakaalis ka na papunta sa client mo. Pag natanggap ko na yun, alam ko na sa ilang sandali nalang tatawag ka para batiin ako ng good morning at sabihin na nananaginip ka pa kasi nung nag text ako kaya hindi ka nakasagot.

Namimiss kita…

Yun bang pag patak ng tanghali, tatawag ka para tanungin kung anong kakainin ko sa pananghalian, at ipapaalala mo sakin na huwag akong magpapalipas ng gutom. Ikukuwento mo ang mga pinag usapan ninyo noong umaga habang nagkakape kayo ng mga kasama mo sa trabaho, at kung pano ka nila inaasar tungkol sa pagtawag mo sakin bawat umaga bago kayo mag almusal. Saglit lang naman tayo mag usap, at tungkol pa sa mga bagay na hindi naman mahalaga. Pero ok na rin sa akin yun.

Namimiss kita…

Yun bang kahit magkahiwalay tayo ng pinapasukan, tatawag ka sakin pag uwian na para mag babay at sabihing mag ingat ako sa byahe pauwi. Ikukuwento mo sakin kung saan ka nakarataing maghapon at kung saan ka kasalukuyang patungo. Pagtatawanan moko dahil nakikipagsiksikan ako sa bus at pipilitin mokong patawanin para mag mukha akong baliw na tumatawa mag isa habang bumabyahe. Sisiguraduhin mo na nakauwi ako ng maayos at kukulitin mo ako na huwag na magtrabaho pagdating sa bahay at sa halip ay kumain at matulog nalang.

Namimiss kita…

Yun bang magtetext ka na nakauwi ka na at matutulog ka na. Good night lang naman ang message, pero tuwang tuwa na ako. Lolokohin moko na magpapakita ka sa akin sa panaginip. At alam ko na sa kinabukasan tatanungin mo ako kung napanaginipan nga kita.

Namimiss kita, at minsan iniisip ko na sana hindi ka nalang nawala, na sana hindi nalang ako umalis. Pero maigi na yung namimiss kita kaysa nagaabang ako ng tawag o text mula sa taong hindi naman ako ang priority. Maigi na yung namimiss kita kaysa nakakasagasa ako ng relasyon, buhay at pamilya ng iba. Maigi na yung namimiss kita kaysa nararamdaman kong pangalawa lang ako sa taong una para sa akin.

Maigi na yung namimiss kita dahil sa ganito, ako lang naman ang nasasaktan.

About MrsC | Patricia Cuyugan

I am a happy mom and housewife. Outside of this, I'm also a writer, a crocheter, and a self-taught home cook. I'm part of a book club, and I enjoy binge-watching my favorite TV shows. I'm super entertaining on Instagram, Twitter and Snapchat! Follow me: MrsPCuyugan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *